Umabot na sa pito ang bilang ng mga nasawi matapos hagupitin ng Bagyong Ramil ang ilang bahagi ng bansa.
Lima sa mga biktima ay mula sa Quezon Province, matapos mabagsakan ng malaking puno ang kanilang tahanan sa kasagsagan ng bagyo. Dalawa naman ang naiulat na nasawi sa Western Visayas, batay sa pinakabagong datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Ayon sa ahensya, patuloy pang bineberipika ang naturang bilang at posible pang tumaas habang nagpapatuloy ang pagtanggap at pagproseso ng mga ulat mula sa mga lokal na pamahalaan.
Bukod sa mga nasawi, may isa ring naiulat na sugatan at dalawa ang kasalukuyang nawawala.
Samantala, higit 38,000 na pamilya o katumbas ng mahigit 133,000 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Ramil sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Patuloy namang nagsasagawa ng relief efforts at assessment ang mga kinauukulang ahensya para matukoy ang lawak ng pinsala at agarang matulungan ang mga apektado.