Binaril ang isang glass installer na agad nitong ikinamatay, habang sugatan naman ang isa pa sa naganap na pamamaril bandang alas-8 ng gabi sa boundary ng Barangay Salunayan at Nes sa bayan ng Midsayap, Cotabato.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jester James Payot, 22-anyos, isang residente ng Surigao City na pansamantalang nanunuluyan sa lugar. Samantala, nagtamo naman ng tama ng bala sa binti ang isang lalaking kinilala lamang sa alyas na “Kulot.”
Ayon sa imbestigasyon, nasa loob ng isang pwesto ang mga biktima kasama ang dalawa pang indibidwal nang biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang gunman at pinaputukan sila.
Dead on arrival sa pagamutan si Payot matapos magtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek.