Taliwas sa mga kumakalat na impormasyon sa social media, aksidente at hindi hit-and-run ang ikinamatay ng binatilyong si Vonvon Bieren.
Sa panayam ng Star FM Cotabato kay PSSGT. Ariel Maquiling ng Pigcawayan PNP, lumabas sa imbestigasyon na nasagi at nasideswipe ng isang motorsiklo ang biktima sa Barangay Capayuran, batay sa testimonya ng mga nakasaksi sa insidente.
Dahil sa malubhang sugat na tinamo, agad na isinugod sa ospital si Bieren ngunit kalauna’y binawian ng buhay.
Mariing pinabulaanan ng pulisya ang mga espekulasyong nag-ala “Superman” umano ang biktima, lasing ito, o biktima ng hit-and-run. Dagdag pa ni PSSGT. Maquiling, tanging ang doktor na sumuri sa binatilyo ang makapagbibigay ng kumpirmasyon kung ito ay nakainom.
Samantala, binigyang-diin ng awtoridad na ang kawalan ng streetlights sa nasabing daan ang isa sa mga pangunahing dahilan ng madalas na aksidente sa lugar. Bilang tugon, plano ng PNP na maglagay ng checkpoints upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.