Humihiling sa pambansang pulisya ang biyuda ng napaslang na si Tantangan South Cotabato Vice Mayoralty Candidate Jose Osorio na si Ginang Elsie Osorio ng malalimang imbestigasyon ukol sa pagkakapaslang rito.

Ito rin aniya ang kanilang hiling upang magkaroon ang pamilya ng lead o matukoy kunsino ang may pakana sa naturang pamamaslang.

Ayon kay Misis Osorio, hindi sila mapapalagay na makakamit nila ang hustisya kung walang maituturong gumawa ng krimen.

Hindi niya aniya maisip ng lubusan kung ano ang dahilan sa pagpatay sa mister nito ngunit aminado siya na may ongoing o patuloy pang kaso hinggil sa away lupa o land conflict silang kinakaharap at sa katunayan ay mayroon pa silang bista sa susunod na linggo.

Nauna nang nagsabi si South Cotabato PNP Provincial Director Col. Sam Cadungon na nagtatag sila ng Task Force Osorio na siyang magpapabilis ng paglutas ng kaso.

Matatandaang napatay sa multiple gunshot wounds ang naturang si Osorio at natagpuang nakahandusay sa kusina ng karinderya nito sa Bukay Pait noong lunes ng umaga.