Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang dalawang parcels na naglalaman ng ecstasy tablets na tinatayang nagkakahalaga ng ₱7,040,125 bilang bahagi ng pinaiigting na kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs ngayong 2026.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency – Airport Interdiction Unit (PDEA-AIU) at nasaksihan ng mga personnel ng Philippine National Police (PNP). Ang mga padalang ito, galing Austria at nakatakdang ipadala sa Davao City sa parehong consignee, ay naglaman ng kabuuang 4,124 ecstasy tablets.
Napansin ang mga parcels ng BOC X-ray Inspection Project (XIP) Team sa isang air express warehouse sa Clark International Airport noong Disyembre 24, 2025 dahil sa kahina-hinalang imahe. Agad na isinagawa ang 100% physical examination ng Customs Examiners sa presensya ng PDEA at PNP.

Bagaman idineklarang “car mats” ang mga parcels, lumabas sa inspeksyon na ang unang parcel ay naglaman ng 2,693 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱4,591,275, samantalang ang ikalawang parcel ay may 1,431 tablets na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2,448,850.
Sa paunang pagsusuri, positibo sa illegal drugs ang mga tablets sa pamamagitan ng on-site presumptive test ng PDEA at ng Rigaku handheld spectrometer ng BOC. Ipinadala na rin ang representative samples sa PDEA para sa confirmatory laboratory examination upang matukoy ang eksaktong chemical composition, na pinaniniwalaang Methylenedioxymethamphetamine (MDMA), isang delikadong droga ayon sa Republic Act No. 9165, bilang binago.
Habang hinihintay ang laboratory confirmation, inihahanda na ang Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at Section 1113 paragraphs (f), (i), at (l) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng R.A. 9165.
Binigyang-diin ni District Collector Jairus S. Reyes ang patuloy na mataas na alerto ng BOC kahit sa peak holiday season:
“Sa pagbubukas ng 2026, malinaw na ipinapakita ng matagumpay na operasyon na kahit holidays, hindi nagpapabaya ang BOC – Port of Clark. Sa pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, nananatiling alerto at dedikado ang ating mga opisyal sa pagbabantay sa ating mga hangganan laban sa illegal drugs.”
Ani Commissioner Ariel F. Nepomuceno, malinaw ang direksyon ng BOC ngayong 2026:
“Mas mahigpit na proteksyon sa border, tuloy-tuloy na pagbabantay, at matatag na dedikasyon para sa kapakanan ng Filipino sa pakikipagtulungan sa ating mga law enforcement partners.”
Pinapakita ng operasyon na ito ang matatag na suporta ng BOC sa mga kautusan ni Pangulong Marcos para pangalagaan ang pambansang seguridad at kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit na border enforcement at inter-agency cooperation laban sa illegal drugs.

















