Sumuko sa 1st Brigade Combat Team (1BCT) ang isang kilalang bomb expert mula sa lokal na teroristang grupo noong Mayo 21 sa bayan ng Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Brigadier General Jose Vladimir Cagara, commander ng 1BCT, hindi muna isiniwalat ang pagkakakilanlan ng 35-anyos na dating rebelde para sa kanyang seguridad. Boluntaryo umano itong sumuko dahil sa takot sa pinaigting na operasyon ng militar, at sa hirap ng pamumuhay sa kabundukan.
Isinuko rin ng dating rebelde ang isang Uzi 9mm submachine gun at isang 60mm improvised explosive device (IED).
Pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang desisyon ng dating bomb expert. Aniya, isa itong tagumpay sa kampanya laban sa terorismo at patunay na may pag-asa pang magbago ang sinuman.
Patuloy naman ang panawagan ng militar sa iba pang kasapi ng armadong grupo na sumuko at tanggapin ang programa ng pamahalaan para sa mapayapang pagbabalik sa lipunan.