Kinumpirma ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na isang British lawyer ang hinirang ng kaniyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang pangunahing abogado para sa kaniyang kaso sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ang naturang abogado ay si Nicholas Kaufman, isang miyembro ng roster of counsel ng ICC.

Ayon kay VP Sara, nakausap nila si Kaufman noong Sabado, at inaasahang magkakaroon sila ng personal na pagpupulong sa oras na dumating ito sa Netherlands.

Matatandaang unang humarap si dating Pangulong Duterte sa ICC sa pamamagitan ng video link noong gabi ng Biyernes, Marso 14 (oras sa Pilipinas), tatlong araw matapos siyang maaresto noong Martes at dalhin sa The Hague. Kaugnay ito ng mga paratang laban sa kaniya na crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga na isinagawa mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019—panahong miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.

Nakatakda naman sa darating na Setyembre 23 ngayong taon ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa dating Pangulo.