Patay ang isang dating K9 handler at ang babaeng kasama nito matapos silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng kanilang Mitsubishi Mirage sa Purok 6, Barangay Lanao, Kidapawan City, kahapon ng hapon, Enero 4.

Batay sa kumpirmasyon ng Kidapawan City Police Office, agad na nasawi sa lugar ng insidente ang driver ng sasakyan na si Romel Pason Canson, isang dating K9 handler at residente ng Kanapia Subdivision, matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantala, idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang kanyang kasama na si Crystylmae Taniongon Nuñez, residente naman ng Riverpark Subdivision.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, patungo umano ang dalawa sa Barangay Balindog nang bigla silang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang itim na Nissan Almera. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay Balindog.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa insidente.

Naglunsad na rin ng manhunt operations ang mga operating units ng Kidapawan City Police Office upang matunton ang mga suspek, mabigyan ng hustisya ang mga biktima, at matukoy ang motibo sa likod ng pananambang.