Ipinabatid ng Commission on Elections (COMELEC) ang opisyal na calendar of activities para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na itinakda sa Disyembre 1, 2025.

Ang voter registration ay itinakda mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 19, 2025, araw-araw mula Lunes hanggang Linggo, kasama ang holidays. Tatanggapin ang aplikasyon para sa mga first-time voters, reactivation ng deactivated records, correction of entries, transfer mula sa foreign service post, at updating ng records ng mga person with disabilities (PWDs), senior citizens, Indigenous Peoples, at iba pang miyembro ng vulnerable sectors.

Pinapayagan din ang online filing para sa reactivation, reactivation with correction of entries, at reactivation with updating of records ng senior citizens at PWDs.

Nilinaw ng COMELEC na hindi pinapayagan ang local transfer ng registration records sa loob ng Pilipinas sa panahong ito. Para sa mga botante sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ipinapaalala na ang voter registration ay tanging para lamang sa Barangay at SK elections at hindi makakaapekto sa listahan ng mga boboto para sa BARMM Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025.

Ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) ay itinakda mula Agosto 1 hanggang 7, 2025. Mahigpit na ipinagbabawal ang premature campaigning bago ang opisyal na campaign period.

Ang campaign period ay magsisimula mula Nobyembre 20 hanggang Nobyembre 29, 2025. Itinakda rin ng COMELEC ang election period at gun ban mula Oktubre 27 hanggang Disyembre 31, 2025.

Sa Nobyembre 30, 2025, ipinagbabawal ang anumang uri ng pangangampanya at ipatutupad ang liquor ban bilang paghahanda sa mismong araw ng halalan.

Gaganapin ang mismong araw ng eleksyon sa Disyembre 1, 2025. Ang regular voting hours ay mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon. May nakalaang early voting hours mula 5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga para sa mga senior citizens, PWDs, at heavily pregnant women.

Ang huling araw ng pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ay sa Disyembre 31, 2025.

Sasailalim rin ang ilang piling lugar sa National Capital Region, Region III, at Region IV-A sa tinatawag na “Special Register Anywhere Program.”

Ang mga patakaran ay batay sa COMELEC Resolution Nos. 11132, 11154, at 11155.

Para sa karagdagang impormasyon, hinihikayat ang publiko na magtungo sa pinakamalapit na COMELEC office o bisitahin ang kanilang opisyal na website at social media accounts.