Pinagtibay ng Office of the President na mananatiling lehitimong namumunong katawan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang Bangsamoro Transition Authority hanggang taong 2026, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ipagpaliban ang nakatakdang halalan sa rehiyon mula Oktubre 13, 2025 patungo sa bagong petsang hindi lalampas sa Marso 31, 2026.

Ayon kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo, layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang tuloy-tuloy na pamamahala, katatagan sa batas, at maayos na transisyon ng Bangsamoro government.

Dagdag pa ni Lagdameo, alinsunod ito sa Bangsamoro Organic Law o Republic Act No. 11054, Republic Act No. 12123, at sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Sa inilabas na pahayag, binigyang-diin ni Lagdameo na nananatili sa Office of the President ang kapangyarihang magpatupad ng mga pagbabago sa komposisyon ng BTA sa panahon ng transisyon. Hindi na umano kailangan ang panibagong reappointment dahil mananatili sa puwesto ang mga kasalukuyang miyembro hanggang sa sila’y mapalitan o magbitiw.

Patuloy din umanong gagampanan ng BTA ang buong kapangyarihan at awtoridad nito sa pinalawig na transition period hanggang sa maihalal o maitalaga ang mga bagong opisyal.

Paliwanag ni Lagdameo, ito ay upang matiyak na magpapatuloy ang kapayapaan, sariling pamamahala, at inklusibong pag-unlad sa rehiyon sa gitna ng nagpapatuloy na transisyon.

Sa huli, tiniyak ng Malacañang na nananatiling tapat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsuporta sa paglalakbay ng Bangsamoro tungo sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad, at upang maiwasan ang anumang puwang sa pamamahala sa rehiyon.