Aprubado na sa Bangsamoro Transition Authority o BTA Parliament ang Parliamentary Bill Number 415, o ang panukalang nagtatakda ng bilang ng mga upuan ng Parliamentary District Representatives at hangganan ng bawat parliamentary district sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Naipasa ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa matapos ang nominal voting na nagtapos bandang madaling araw ng Enero 13. Nagsimula ang sesyon at botohan nitong hapon ng Lunes, Enero 12.
Sa pitumpung miyembro ng BTA Parliament na lumahok sa botohan, 48 ang bumoto pabor, 19 ang tumutol, at 4 ang nag-abstain. Ayon sa patakaran ng plenaryo, sapat na ang 40 boto upang maipasa ang panukala sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Isa sa mga bumoto laban sa panukala ay si Member of Parliament at kasalukuyang MBHTE Minister Mohagher Iqbal. Gayunman, hindi na niya naipaliwanag ang kanyang pagtutol matapos pabilisin ni BTA Speaker Mohammad Yacob ang proseso ng pagboto at pagpapahayag ng paliwanag ng mga mambabatas.
Sa panig naman ng mga sumuporta, ipinaliwanag ni BTA Committee on Local Government Chairman at Deputy Floor Leader Atty. Naguib Sinarimbo na mahalagang agarang maipasa ang panukala upang makapaghanda na ang Commission on Elections para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Marso.
Dagdag pa niya, wala siyang nakikitang isyung labag sa Konstitusyon na maaaring kuwestiyunin ng Korte Suprema. Sa ilalim ng panukala, itinatakda ang 32 parliamentary districts at ang distribusyon ng mga puwesto sa BTA Parliament: apat (4) sa Basilan, siyam (9) sa Lanao del Sur, tig-lima (5) sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, apat (4) sa Tawi-Tawi, tatlo (3) sa Cotabato City, at dalawa (2) sa Special Geographic Area o SGA-BARMM.
Magsisilbi rin itong batayang batas ng COMELEC sa paghahanda ng halalan. Matatandaang idineklara bilang certified urgent ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang panukala noong Disyembre 2025, dahilan upang makapagpatawag ng special session ang Parliamento.
















