Inaprubahan ng Sub-Committee ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang P120-milyong panukalang pondo ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) para sa Fiscal Year 2026 matapos ang halos tatlong oras na masinsinang talakayan. Pinamunuan ang pagdinig ni Committee Chairperson MP Atty. Naguib Sinarimbo, kasama ang mga kasapi ng komite na sina MP Dr. Susana Anayatin, MP Dr. Tomanda Antok, MP Abdulbasit Benito, at Deputy Chief Minister Hatimil Hassan.

Bawat bahagi ng budget proposal ay pinagusapan nang detalyado, at nagbigay ang mga miyembro ng kani-kanilang obserbasyon at rekomendasyon upang higit pang mapatatag ang mga programang nakapaloob dito. Ipinunto ng komite na ang panukalang pondo ng BYC ay nakasentro sa pagpapalawak ng partisipasyon, kapakanan, at oportunidad para sa kabataang Bangsamoro mula sa mga inisyatiba sa komunidad hanggang sa mga programang nakatuon sa kapayapaan, pamumuno, pag-unlad, at socio-economic empowerment.

Matapos ang deliberasyon, nagkasundo ang Sub-Committee na tuluyang aprubahan ang budget proposal. Sila rin mismo ang magiging pangunahing tagapagtulak ng panukalang ito pagdating sa Plenary Session ng BTA Parliament, kung saan sasailalim muli ito sa debate at presentasyon. Nagpahayag naman ng pasasalamat si BYC Chairperson Nas Dunding sa komite sa ipinakita nitong pagtitiwala at suporta. Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga kawani at opisyal ng komisyon na naglaan ng panahon para sa paghahanda at pagrebisa ng dokumento.

Ayon sa kanya, mananatiling nakatuon ang BYC sa mas mahusay na paglilingkod, lalo’t ang kanilang mga programa ay para sa kinabukasan ng kabataang Bangsamoro. Tinuturing ng BYC na mahalagang tagumpay ang pagsulong ng panukalang budget, dahil nagbibigay ito ng mas malakas na pundasyon para sa mga programang naglalayong palakasin ang boses, kakayahan, at potensyal ng kabataan sa rehiyon.
Sa pag-apruba ng Sub-Committee, inaasahang magiging maayos ang pag-usad ng panukalang pondo sa susunod na yugto patungo sa 2026 Bangsamoro Appropriations Act.

















