Muling iginiit ng mga katutubong lider na ang kanilang kultura ay hindi relikya ng nakaraan kundi isang buhay na pundasyon ng pagkakakilanlan at pagkakaisa.
Ito ang mensaheng umalingawngaw sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubong Mamamayan at ika-28 anibersaryo ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) of 1997, na ginanap noong Oktubre 6 sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City.
Ayon kay MP Froilyn Mendoza, ang kultura ng Katutubo ay dapat isabuhay hindi lang sa kasuotan kundi pati sa pamamahala, edukasyon, at hustisya. Aniya, “Ang kultura ay hindi palamuti kundi buhay na hibla ng ating pagkatao at kinabukasan.”
Dagdag ni Minister Giamal Abdulrahman ng Indigenous Peoples’ Affairs, ang selebrasyon ay paalala ng bisa ng IPRA bilang proteksyon sa karapatan ng mga Katutubo.
Samantala, Chief Minister Abdulraof Macacua ay muling nangako ng tunay na suporta ng BARMM sa mga isyung kinakaharap ng mga katutubong pamayanan, at nanawagan ng legal at mapayapang solusyon sa mga insidente ng karahasan.