Nagpahayag ng pasasalamat ang sektor ng kababaihan sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur sa anila’y mas maayos na pamumuhay at mas mapayapang komunidad simula nang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ito’y sa isinagawang Information, Education, and Communication o IEC campaign ng Office of the Chief Minister sa Barangay Butilen nitong Miyerkules, Setyembre 10.

Sa naturang caravan, ipinaliwanag sa mga kababaihang dumalo ang konsepto ng Moral Governance, mga programa at nagawa ng Bangsamoro Government, at ang Enhanced 12-Point Priority Agenda.

Isa sa mga residente, si Vilma Mandi, 45-anyos, ang nagbahagi ng kanyang pasasalamat sa katiwasayan ng kanilang lugar. Aniya, mula nang maitatag ang BARMM, wala na silang naranasang bakbakan at hindi na sila napipilitang lumikas.

Nagkaroon din ng talakayan tungkol sa kasaysayan ng Bangsamoro kung saan nakapagbahagi ang mga kalahok ng kanilang karanasan noong panahon ng kaguluhan at ng kanilang mga pangarap para sa rehiyon.

Pinangunahan ng Strategic Communications Team ng OCM ang caravan bilang tugon sa direktiba ni Chief Minister Abdulraof Macacua na direktang makipag-ugnayan sa mga komunidad. Bahagi ito ng #SammyGamBARMM Moral Governance Dialogue Series na sinimulan noong Setyembre 5 sa Mindanao State University-Maguindanao.

Ayon kay Tohami Gumander, Peace Program Officer III ng OCM, malinaw na ang pangunahing layunin ng pamahalaang Bangsamoro sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Macacua ay ang pagpapatupad ng Moral Governance.