Pitong (7) katao na naabutang bumibira ng tinatawag na utot ng diyablo o iligal na droga ang nahuli sa akto mismo sa isang bunkhouse ng ginagawang mall sa Rosary Heights 2 sa lungsod.
Ayon sa hepe ng CPDEU na si PLt. Col. Mark Harry Boglosa, target sana ng operasyon ang suspek na si Lemon Akhmad alyas Lemon, 51 at may asawa, isang construction worker at naninirahan sa Mother Poblacion nitong lungsod.
Ayon kay Boglosa, umakto sila sa isang ulat ng concerned citizen at pinuntahan nila ito katuwang ang Police Station 1, RDEU BAR at CFMC.
Dito na nagsagawa ng buybust operations ang pulisya at napagbentahan ni Lemon ang nasabing posueur buyer ng isang pakete ng shabu at dito na sya hinuli at nagkataong naroon pa ang mga parokyanong batak ni Lemon.
Kinilala ang mga nahuli pa na sina Norodin Pananguilan, Sammy Monato, Ruel Petarco, Kerwin Pontero, Glenn Ballenas at Ruben Liwanag na pawang nasa legal nang mga edad.
Nakumpiska rin sa loob ng bunkhouse ang isang beltbag na itim na naglalaman ng timbangan, green notebook, itim na keypad phone na pinaniniwalaang ginagamit sa pagbebenta ng shabu pati ang isa pang maliit na sachet ng suspetsadong shabu maging mga samu’t saring parapernalya na ginagamit sa pagbatak ng droga.
Dahil dito, sama sama silang magbubuno ng mga araw sa selda ng Presinto Uno at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, hinahabol na ngayon ng kapulisan ang nakatakas pa na suspek na si Long Untong na taga Lambayong, Sultan Kudarat.