Hindi napigilan ang pag-iyak ng isang mister habang yakap-yakap ang walang buhay na katawan ng kanyang buntis na asawa na nasawi matapos matabunan ng bumagsak na puno ng niyog sa kasagsagan ng masungit na panahon sa Sitio Talaod, Barangay Ticulon, nitong Huwebes, Hulyo 17, 2025.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Lyn”, 23 taong gulang, isang maybahay at siyam na buwang buntis.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, abala si Lyn sa paglalaba nang mapansin ang pag-uga ng isang mataas na puno ng niyog. Agad umano siyang tumakbo palayo, ngunit bumalik upang sagipin ang kanilang tatlong taong gulang na anak.

Sa kasamaang-palad, sa mismong direksyon nila bumagsak ang puno, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng ginang. Kasama ring nasawi ang kanilang alagang aso.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang may taas na 15 metro ang naturang puno, ngunit may mababaw umanong pagkakatanim—na maaaring dahilan kung bakit ito madaling bumigay sa lakas ng hangin at ulan.

Dead on the spot si Lyn bunsod ng matinding pinsala sa ulo at bali sa ibabang bahagi ng binti. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad upang alamin kung may pananagutan sa insidente.