Magsisimula sa araw ng linggo, Marso 2 taong kasalukuyan ang panahon ng banal na Ramadhan ng mga kapatid natin sa pananampalatayang Islam.
Ito ay base sa naging anunsyo ni Bangsamoro Grand Mufti Sheikh Abdulraof Guialani at base na rin sa resulta ng isinagawang pagmamatiyag ng Moonsighting Committee sa Crescent Moon sa ibat ibang parte ng Mindanao kabilang na ang ilang lugar sa BARMM at sa Manila Bay sa kalakhang maynila.
Mahalaga para sa mga kapatid nating Muslim ang nasabing pagpapakita ng crescent moon dahil sumisimbolo ito na ito ay hudyat na ng pagsisimula ng buwan ng Ramadhan o pag-aayuno.
Ngunit dahil sa hindi nagpakita ang nasabing Crescent Moon kagabi, idineklara ng Bangsamoro Grand Mufti na magsisimula ang banal na araw ng Ramadhan sa araw ng Linggo, Marso 2 at hindi ito magaganap ngayong Sabado Marso 1.