Naaresto ng mga tauhan ng Rajah Buayan Municipal Police Station (MPS) ang isang babaeng suspek sa ikinasang buy-bust operation laban sa ilegal na droga bandang alas-6:50 ng gabi noong Setyembre 25, 2025, sa Barangay Bakat, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.

Pinamunuan ni PCPT Joel Sajot Lebrilla, Officer-in-Charge ng Rajah Buayan MPS, kasama ang mga operatiba ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU), ang operasyon na nagresulta sa pagkakarekober ng hinihinalang shabu, marked money, ilang buhay na bala, at mga magasin ng baril.

Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine. Ang mga ebidensyang nakumpiska ay maayos na minarka, inimbentaryo, at kinuhanan ng larawan sa presensya ng mga opisyal ng barangay, kinatawan mula sa DOJ, at miyembro ng media.

Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay isusumite sa Regional Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri. Samantala, inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Muling pinagtibay ni PCPT Lebrilla ang dedikasyon ng Rajah Buayan MPS sa mas pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga at sa layuning magkaroon ng mas ligtas at drug-free na komunidad sa Rajah Buayan.