Pinangunahan ng Bangsamoro Youth Commission (BYC), sa pangunguna ni Commissioner Nas Dunding, kasama ang COMELEC at Gani L. Abpi College Inc., ang ikatlong bahagi ng Voters’ Empowerment Forum (VEF) para sa mga kabataan sa SPMS Box areas, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Commissioner Dunding, ang aktibidad ay patunay ng pagsisikap ng Pamahalaang Bangsamoro na mapalapit sa mamamayan. Binanggit din niya na ang forum ay nagbibigay ng bagong kaalaman, lalo na sa sistemang parliamentaryo ng BARMM.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Nurhanna Moctal mula sa BTA speakers’ bureau ang Bangsamoro Electoral Code, kung saan naging aktibo ang mga kalahok sa pagpapalitan ng pananaw.
Samantala, binigyang-diin ni dating DAB-BARMM Executive Director Sheikh Hisham Nando ang mahalagang papel ng kabataan sa kasalukuyang political landscape at hinamon silang pangalagaan ang kapayapaang nakamit sa rehiyon.
Tinalakay naman ni Sheikh Saiful Gayak ang pananaw ng Islam sa politika at pagboto, na napapanahon lalo’t papalapit na ang eleksyon sa rehiyon.
Nagpasalamat sina Datu Piang Mayor Victor Samama at Datu Salibo Mayor Solaiman Sandigan sa BYC sa pagpili ng kanilang lugar bilang venue ng forum. Dumalo sa aktibidad ang halos 2,000 estudyante at youth community leaders mula sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao del Sur.