Hinimok ni Bangsamoro Youth Commission (BYC) Chairperson Nasserudin D. Dunding ang mga anak ng mga dating Mujahideen na patuloy na isulong ang mapayapa at demokratikong adhikain ng mga Bangsamoro, sa pagbubukas ng ikalawang batch ng Capacity Development Training sa ilalim ng Comprehensive Youth Transformation Program (CYTP) nitong Oktubre 27, sa Cotabato City.

Ayon kay Dunding, ang kasalukuyang yugto ng kilusang Bangsamoro ay “hindi na labanan ng armas, kundi labanan ng kaisipan,” na nangangailangan ng karunungan, pagtitiyaga, at katatagan upang mapanatili ang mga tagumpay ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Binigyang-diin din niya ang papel ng kabataan bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan at tagapamagitan sa mga sigalot sa kanilang mga komunidad. Hinihikayat niya ang mga kabataan na gamitin ang kanilang mga natutunan upang palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan sa Bangsamoro.

Idinagdag ni Dunding ang kahalagahan ng pagbuo at pagrerehistro ng mga youth organizations, dahil ito ang magiging daan upang makamit ng kabataan ang mga programa at suporta ng pamahalaan. Aniya, ang aktibong partisipasyon ng kabataan ay isa sa mga naging susi sa mga tagumpay ng Bangsamoro region, at magpapatuloy itong maging mahalagang puwersa sa pagpapanatili ng mga ito.
Ang ikalawang batch ng Capacity Development Training, na gaganapin mula Oktubre 27 hanggang 30, ay nilahukan ng mga anak ng dating Mujahideen mula sa MILF Camps Abubakar at Rajamuda, at MNLF Camp Maton Lumanggal.

Layunin ng pagsasanay na paunlarin ang kakayahan ng kabataan sa pamumuno, adbokasiya, at organisasyon sa ilalim ng flagship program ng BYC – Comprehensive Youth Transformation Program (CYTP). Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng komisyon na bigyang kapangyarihan ang kabataang Bangsamoro, lalo na sa mga lugar na matagal nang apektado ng tunggalian, upang sila ay maging sandigan ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.

















