Dumalo si Bangsamoro Youth Commission Chairperson Nasserudin Dunding sa Grand Youth Award Ceremony ng Islamic Cooperation Youth Forum o ICYF na ginanap sa Istanbul, Türkiye noong Hunyo 20, 2025.

Ang nasabing seremonya ay dinaluhan ng mga mataas na opisyal at youth leaders mula sa mga miyembrong bansa ng Organization of Islamic Cooperation o OIC. Pinarangalan dito si Pangulong Recep Tayyip Erdoğan ng Türkiye ng ICYF Grand Youth Award bilang pagkilala sa kaniyang mga ambag sa pagpapalakas ng kabataang Muslim sa buong mundo.

Nagbigay rin ng mensahe ng pasasalamat ang mga youth representatives mula sa Nigeria, Europe, Türkiye, at State of Palestine, bilang pagkilala sa pamumuno ni Erdoğan sa mga isyung pangkabataan.

Itinuturing na makabuluhan ang pagdalo ni Chairperson Dunding, bilang bahagi ng pagsusumikap ng Bangsamoro Government na palakasin ang ugnayan sa internasyonal na komunidad at itampok ang aktibong partisipasyon ng Bangsamoro youth sa pandaigdigang antas.

Ayon sa Bangsamoro Youth Commission, tugma ito sa kanilang 2022–2028 Strategic Plan na naglalayong makilahok sa mga regional at global youth affairs.

Ang ICYF event ay nagsilbing plataporma para sa dayalogo at pagtutulungan ng kabataang Muslim, lalo na sa mga usapin ng leadership, shared values, at sustainable development.

Bilang pangunahing ahensya ng BARMM sa mga usaping pangkabataan, patuloy ang BYC sa pagbibigay ng oportunidad para sa partisipasyon ng kabataan sa mga lokal at internasyonal na diskusyon-ayon na rin sa mandato nito sa ilalim ng Bangsamoro Autonomy Act No. 10.