Binalaan ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) ang ilang Barangay at Local Government Units (LGUs) sa BARMM na patuloy umanong tumatangging magbigay ng kaukulang pondo at suporta sa kanilang mga Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Sa panayam ng Star FM Cotabato kay BYC Chairperson Nasserudin Dunding, iginiit nitong bagama’t advocacy arm lamang sila na nakatuon sa interes ng kabataan, nakikipag-ugnayan na sila sa Ministry of the Interior and Local Government (MILG) at iba pang ahensya para masampahan ng kaso ang mga pasaway na opisyal.
Ayon kay Dunding, mayroon na ring mga kapitan at barangay officials na napa-Tanodbayan o Ombudsman sa nakalipas na dalawang taon dahil sa lantaran nilang hindi pagbibigay ng 10% budget share para sa SK.
Giit pa niya, oras na tumalima ang mga barangay at LGU sa pagbibigay ng suporta, makikinabang dito ang buong komunidad. Ngunit nang tanungin kung aling probinsya sa rehiyon ang may pinakamaraming paglabag, mas pinili ni Dunding na ipaubaya ito sa mga kinauukulang ahensya.