Nagkasa ng signature campaign ang mga residente ng Brgy. Babuyan Claro sa Calayan, Cagayan upang tutulan ang application for exploration permit ng LUDGORON Mining Corporation sa kanilang isla. Layunin nitong ipakita ang mariing pagtutol ng komunidad, partikular na ng mga Ibatan o Indigenous Peoples (IP) community, sa anumang mining activity na maaaring makasira sa kanilang kapaligiran, kabuhayan, at kultura.

Naghain ang LUDGORON Mining Corporation ng aplikasyon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR upang magsagawa ng exploration para tukuyin ang posibleng presensya ng iron ore at iba pang mineral sa buong isla ng Babuyan Claro, at matukoy kung maaari itong gawing lugar para sa komersyal na pagmimina.
Mariing tinutulan ni Mayor Jong Llopis ang naturang aplikasyon. Matapos niyang matanggap ang Notice, agad siyang nakipagpulong sa Sangguniang Bayan upang magpasa ng resolusyong kumokondena sa exploration permit. Ipinasá ng konseho ang “Resolution Expressing the Vehement Opposition of the Sangguniang Bayan of Calayan to the Application for Exploration Permit of LUDGORON Mining Corporation and to All Forms of Mining and Quarrying Activities Within the Municipality.”

Inutusan din ng alkalde ang pamunuan ng Brgy. Babuyan Claro na maglabas ng sarili nilang pahayag ng pagtutol, habang humiling naman siya sa Provincial Government of Cagayan na magpasa rin ng resolusyong kumokontra sa exploration.
Matagal nang ipinagbawal ni Mayor Llopis ang lahat ng uri ng mining at quarrying sa Calayan, kabilang ang pagkansela sa mga Pebbles Quarrying permit sa Sibang Cove. Dahil dito, kumukuha ang bayan ng graba at buhangin mula mainland Cagayan para sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nagtutulungan ang mga opisyal ng barangay at mga lider-tribu ng Ibatan sa pangangalap ng mga lagda upang ipakita ang kanilang solidong pagtutol. Giit nila, ang isla ay hindi lamang tirahan kundi mahalagang bahagi ng kanilang buhay at pagkakakilanlan.
“Kami ay naninindigan na protektahan ang aming isla at aming kabuhayan. Hindi kami papayag sa anumang uri ng mining activity na makakasira sa aming kapaligiran at kultura,” pahayag ni Mayor Llopis.
Patuloy ang isinasagawang signature campaign sa Brgy. Babuyan Claro at hinihikayat ang lahat ng residente na makiisa sa laban upang mapanatiling ligtas at buhay ang kanilang isla.

















