Arestado ng mga awtoridad kahapon, December 05, 2025, ang isang lalaki na umano’y nagnakaw ng mamahaling Nissan Patrol sa General Santos City.

Kinilala ang suspek na si Jimar Alvarez Taburnal, empleyado ng may-ari ng sasakyan. Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-10 ng umaga sa Purok Maunlad, Barangay Apopong.

Agad na inilunsad ang hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakadakip kay Taburnal sa Zone 9, Barangay Fatima. Nakunan pa sa video ang pagtanggi ng suspek na bumaba sa sasakyan, kaya kinailangan ng operatiba na basagin ang salamin gamit ang bato at baril. Sinubukan pa niyang tumakas ngunit nahuli rin ng Regional Mobile Force Battalion-12.

Nabawi at naibalik agad ang Nissan Patrol sa may-ari sa tulong ng pulisya at mga concerned citizens. Nakahanda na ngayong sampahan ng kaukulang kaso si Taburnal.