Patay ang isang suspek matapos makipagbarilan sa mga otoridad sa ikinasang hot pursuit operation kaugnay ng insidente ng carnapping sa Tacurong City, Sultan Kudarat, kagabi, Setyembre 7, 2025
Ayon sa Tacurong PNP, bandang alas-11:12 ng gabi, binabagtas ng biktima isang 23-anyos na laborer mula Brgy. Tina ang kahabaan ng Purok Liwliwa, Brgy. San Emmanuel, nang harangin siya ng dalawang armadong lalaki
Tinutukan umano ng baril ang biktima at sapilitang tinangay ang minamaneho niyang motorsiklo na black/red Kawasaki CT100 (plaka: 364 MOM), bago tumakas patungong Doña Alicia Avenue. Agad na nagsagawa ng dragnet at hot pursuit operation ang Tacurong PNP. Sa kanilang pagtugis, natunton ang isa sa mga suspek sa Brgy. Buenaflor, ngunit sa halip na sumuko ay nagpaputok ito sa mga pulis. Gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng suspek
Agad na dinaluhan ng CDRRMC personnel ang sugatang lalaki ngunit idineklara itong dead on arrival. Samantala, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng pulisya upang mahuli ang isa pang kasamahan ng napatay na carnapping suspect.