Muling ipinaalala ng Cotabato City Police Office (CCPO) sa lahat ng barangay, negosyo, establisyemento, at pribadong indibidwal na may mga nakakabit na CCTV system ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon sa pulisya, lalo na sa panahon ng imbestigasyon at operasyon laban sa kriminalidad.
Ayon sa CCPO, malaking tulong ang mga CCTV footage sa pagtukoy ng mga suspek, pagbuo ng mga pangyayari, at sa mabilisang pagresolba ng mga kaso. Binigyang-diin ng opisina na ang maagap na pagbibigay ng kopya ng CCTV footage ay maaaring maging susi sa tagumpay ng isang imbestigasyon.
Nanawagan din ang pulisya sa mga may-ari ng negosyo at institusyon na tiyaking maayos, gumagana, at ligtas ang kanilang CCTV systems upang maging handa ito sa oras na kailangan ng mga awtoridad. “Ang CCTV mo ngayon, maaaring makatulong sa paglutas ng krimen bukas,” paalala ng CCPO sa publiko.
Pinag-iingat din ng kapulisan ang lahat na ang hindi pakikipagkoordinasyon o ang pagtangging magbigay ng CCTV footage kapag ito ay legal na hinihingi ay maaaring magresulta sa kasong obstruction of justice (P.D. 1829), administrative sanctions o pagkansela ng business permit, at posibleng kasong kriminal sa tampering o destruction of evidence.
Patuloy ang panawagan ng Cotabato City Police Office sa mga mamamayan na makipagtulungan para sa mas ligtas at mapayapang lungsod sa ilalim ng adhikain ng Bagong Pilipinas.