Patuloy ang maigting na kampanya ng Cotabato City Police Office (CCPO) laban sa kriminalidad, lalo na sa mga kaso ng ilegal na droga, loose firearms, at pag-aresto sa mga wanted persons mula Mayo hanggang kalagitnaan ng Hunyo 2025.
Sa buong buwan ng Mayo 2025, nakapagsagawa ang CCPO ng 18 anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 22 katao. Umabot sa mahigit ₱3.6 milyon ang kabuuang tinatayang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga.
Sa kampanya laban sa loose firearms, anim na operasyon ang naisagawa kung saan 10 indibidwal ang naaresto. Tatlong armas ang nakumpiska at boluntaryong isinuko o dineposito ng mga may-ari.
Walo naman ang naaresto sa mga operasyon laban sa mga wanted na personalidad. Umabot din sa 24 na backlog warrants of arrest ang matagumpay na naisilbi ng kapulisan.
Sa mga insidente ng pamamaril, dalawang kaso ang nalutas habang isa ang tuluyang na-clear.
Samantala, sa unang kalahati ng Hunyo 2025, umabot sa 12 operasyon kontra ilegal na droga ang isinagawa ng CCPO na nagresulta sa pagkakaaresto ng 16 na suspek. Tinatayang nasa ₱43,975.36 ang halaga ng nakumpiskang droga mula sa mga operasyon.
Limang operasyon naman ang isinagawa laban sa loose firearms kung saan isang baril ang nakumpiska at isang suspek ang naaresto.
Anim na wanted persons ang naaresto sa parehong panahon, habang 12 warrants of arrest ang naisilbi.
Patuloy namang iniimbestigahan ang dalawang insidente ng pamamaril, na ngayon ay may tinukoy nang mga person of interest at kasalukuyang pinoproseso para sa pagsasampa ng kaso.
Hinimok ng Cotabato City Police Office ang publiko na makipagtulungan sa kanilang mga inisyatiba upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lungsod. Nanawagan din sila na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang agarang maaksyunan.