Pinabulaanan ng Cotabato City Police Office (CCPO) na may kaugnayan sa nalalapit na Halalan 2025 ang serye ng pamamaril at karahasang naitala sa lungsod nitong mga nakaraang araw.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay PLT. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, sinabi nitong masyado pang maaga para ikonekta ang mga insidente sa eleksyon dahil patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay Evangelista, walang malinaw na kaugnayan sa mga tumatakbong kandidato ang mga biktima ng pamamaril, kaya’t hindi pa maaaring tapusin ang usapin nang may direktang koneksyon sa politika.

Samantala, tiniyak naman ng CCPO na mahigpit nilang ipinapatupad ang COMELEC Gun Ban at nagpapatuloy ang 24-oras na seguridad upang mapanatili ang kapayapaan sa lungsod.