Tila isang milagro at himala ng langit na maituturing ng Cotabato City PNP ang ZERO Fire Cracker Related Incidents sa lungsod, ayon sa datos ng CCPO na ipinamahagi sa mga mamamahayag nitong Disyembre 29 ng nakalipas na taong 2024 hanggang kahapon, Enero 1, 2025.

Mas ikinatuwa pa ng kapulisan ang ZERO na tala ng tinamaan at nasugatan ng ligaw na bala sa bawat presinto na sakop nito. Naging epektibo naman ang Oplan BOGA ng CCPO dahil sa nakakumpiska ito ng 127 na boga na ipinagbabawal na gamitin sa oras ng bagong taon.

Una nang inihayag sa mga kawani ng Midya ni Cotabato City PNP Director Col. Jibin Bongcayao na may 300 na pwersa ng kapulisan ang itatalaga sa lungsod upang mapalakas ang tinatawag na Police Visibility at maiwasan ang anumang karahasan sa lungsod.

Sa lahat ng pagbabantay, mas lalong pinaigting ng CCPO ang Kapkap Bakal Sita Operations nito upang makatiyak na tuloy-tuloy ang kaligtasan ng lahat sa naturang Holiday Season.

Umani naman ng papuri ang kapulisan sa alkalde ng siyudad na si Mayor Bruce Matabalao dahil napanatili ng kapulisan ang ZERO o walang tala na biktima ng ipinagbabawal na paputok.

Samantala, nagbabala naman ito sa mga taong may matitigas na ulo na gumagamit ng open pipe o bora-bora maging modified mufflers dahil ani Matabalao, sila na ang susunod na tutugisin ng kapulisan.

Sa huli, masaya at kuntento sa ipinakitang performance ng CCPO ang alkalde sabay sabi nito na nasunod ang kanyang kautusang maipaigting ang kampanya laban sa paputok at pagpapaputok ng baril sa kasagsagan ng bagong taon.