Isang malungkot na trahedya ang yumanig sa Binaliw Landfill noong Huwebes, Enero 8, pasado alas-4 ng hapon, matapos itong gumuho dahil sa dami ng naipong basura, ayon sa anunsyo ni Mayor Nestor Archival.
Sa ulat, tinatayang 94 na manggagawa ang naroroon nang maganap ang insidente, kung saan 27 sa kanila ang natabunan. Sa rescue operation na isinagawa bandang alas-10 ng gabi, 9 ang nailigtas, samantalang 1 ang kumpirmadong patay. Patuloy ang paghahanap sa 18 pang nawawalang manggagawa, at tiniyak ng alkalde na hindi titigil ang operasyon hanggang sa matagpuan ang lahat.
Bilang tugon sa insidente, tiniyak ng pamahalaang lungsod na bibigyan ng kaukulang tulong ang mga biktima at kanilang pamilya. Nakatakda rin ang pagpupulong ni Mayor Archival kasama ang mga operator ng landfill upang talakayin ang mga hakbang upang maiwasan ang katulad na aksidente sa hinaharap.
Sa kasalukuyan, pansamantala nang itinigil ang lahat ng pagtatapon sa Binaliw Landfill. Humingi ng kooperasyon at pasensya ang mga opisyal, at pinayuhan ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo bago muling ipagpatuloy ang operasyon.
Ang Binaliw Landfill, na matagal nang pinupuna dahil sa mga isyu sa kaligtasan at polusyon, ay may nakaraan nang mga insidente ng pagguho, na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa paligid.

















