Nadiskubre ng magkasanib na puwersa ng Lanao del Sur Police Provincial Office ang mahigit 2,150 reams ng smuggled na Cannon cigarettes, tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,687,750, sa isinagawang anti-criminality checkpoint sa Brgy. Tual, Picong, bandang 1:45 ng madaling araw noong Disyembre 9, 2025.
Ayon sa ulat, napansin ng mga operatiba ang mga kahon ng sigarilyo na malinaw na nakalagay sa likod ng sasakyan. Nang hingin ang mga dokumento para sa legal na transportasyon ng mga produkto, nabigong magpakita ng anumang papeles ang driver.
Agad na inaresto ang dalawang suspek habang kinumpiska rin ang sasakyan at ang smuggled na kalakal. Dinala ang mga ito sa Picong MPS para sa dokumentasyon at pag-file ng kaukulang kaso.
Binibigyang-diin ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, RD ng PRO BAR, ang patuloy na pagsusumikap ng kanilang tanggapan laban sa smuggling at iba pang krimen upang maprotektahan ang ekonomiya ng rehiyon at tiyakin ang kaligtasan ng komunidad.

















