Nanawagan si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa mamamayan ng rehiyon na pairalin ang integridad at pagkakaisa sa nalalapit na halalan sa Oktubre, kasabay ng paglulunsad ng “Botong Bangsamoro 2025: The Grand Launch of an Empowered Electorate.”
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Macacua na ang boto ng bawat isa ay may kaakibat na dangal at pananagutan. Hinikayat niya ang lahat na huwag magpadala sa ingay, panlilinlang, o anumang uri ng manipulasyon na maaaring makasira sa pagkakaisa ng Bangsamoro.
“Huwag tayong magpadadala sa mga nais sirain ang ating pagkakaisa. Let us not be indifferent. Let us not be swayed by noise or manipulation. Ang boto mo, ay dangal mo,” ani Macacua.
Dagdag pa niya, ang pagkakaisa ng Bangsamoro people ang tunay na lakas ng rehiyon at siyang magsisilbing sandigan upang hindi sila mahati o pahinain ng pagkakawatak-watak. Aniya, hindi dapat manahimik kapag panahon na upang magsalita, lalo na kung ang kinabukasan ng rehiyon ang nakataya.
Pinuri rin ng Chief Minister ang layunin ng kampanya na palakasin ang kamalayan ng mga botante upang matiyak na magiging mapayapa, malinis, at matagumpay ang eleksiyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).