Masiglang ipinagdiwang ng mga mamamayan ng Cotabato City ang Chinese New Year ngayong Year of the Snake, kung saan nagtipon-tipon ang iba’t ibang komunidad upang makiisa sa makulay na selebrasyon sa Cotabato City Hall Gym.
Sa kabila ng pagiging lungsod na binubuo ng Muslim, Kristiyano, Katutubo, at mga Chinoy, ipinakita ng mga taga-Cotabato ang diwa ng pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsuporta sa iba’t ibang aktibidad tulad ng dragon dance, pagsisindi ng paputok, at pagbabahagi ng tikoy at iba pang pagkaing Tsino.
Ayon sa ilang negosyanteng Chinoy sa lungsod, ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang tradisyon kundi isang pagkakataon din upang ipagdiwang ang masaganang taon at matibay na relasyon sa pagitan ng iba’t ibang grupo sa Cotabato.
Samantala, nagbigay ng pagbati si Mayor Mohammad Ali Matabalao sa mga Tsinoy at sa buong lungsod, na hinihikayat ang lahat na patuloy na ipagdiwang ang kultura at pagkakaibigan sa kabila ng pagkakaiba sa pananampalataya at pinagmulan.
Ang Year of the Snake ay sumisimbolo umano ng talino, pagiging madiskarte, at swerte, kaya’t umaasa ang mga residente na magiging matagumpay at payapa ang taong ito para sa Cotabato City.