Senate officials, led by Sen. Imee Marcos and Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, engage in a heated exchange with CIDG Chief Nicolas Torre III and Justice Secretary Boying Remulla during the Senate hearing on the arrest of former President Rodrigo Duterte

Naging mainit ang talakayan sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations hinggil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025, nang makipagsagutan si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicolas Torre III sa mga senador, partikular kina Sen. Imee Marcos at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Dumalo rin sa pagdinig si Justice Secretary Boying Remulla, na nakipagpalitan ng mga argumento kasama ang iba pang opisyal ng gobyerno tulad ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo. Sa panig ng Senado, present sina Sen. Imee Marcos, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Alan Peter Cayetano, at Sen. Robin Padilla, samantalang si Sen. Christopher “Bong” Go ay dumaan sa online na pamamaraan.

Nandoon din ang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP) tulad ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at PBGen. Jean Fajardo upang magbigay-linaw sa isyu.

Ang pangunahing isyu na itinampok sa pagdinig ay ang mga tanong nina Sen. Marcos at Sen. Dela Rosa ukol sa mabilis na pagsuko kay dating Pangulong Duterte at ang hindi pagsunod sa proseso ng extradition. Ayon kay Sec. Remulla, hindi na maaaring mag-request ang Pilipinas ng extradition dahil ang dating Pangulo ay nasa kustodiya na ng bansa. Paliwanag ng kalihim, ang arresting state ang may karapatang mag-file ng extradition request, kaya’t ang ginawa ng gobyerno ay isang “surrender” at hindi extradition, dahil hindi na miyembro ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas.

Samantala, nagtangka si Sen. Go na itanong kung may posibilidad pang maibalik si dating Pangulong Duterte sa bansa, at binatikos ang pagmamadali sa pagpapatupad ng arrest warrant sa loob lamang ng 14 na oras.