Patuloy ang kampanya ng Philippine National Police laban sa loose firearms sa ilalim ng direktiba ni PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., kaya naman pinalakas ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang OPLAN PAGLALANSAG OMEGA sa buong bansa.
Noong Enero 25, 2026 bandang 1:21 PM, isinagawa ng CIDG Davao del Norte Provincial Field Unit kasama ang PNP Special Action Force at mga territorial police units ang isang buy-bust operation sa Barangay Tambongon, Pantukan, Davao de Oro. Nagresulta ito sa pag-aresto sa dalawang lalaking suspek at pagsamsam ng apat na loose firearms: isang light weapon—caliber 5.56 Hydra-Matic M16A1 rifle, at tatlong caliber .45 pistol (Remington, STI Cat Custom, at Colt MK IV), kasama ang mga assorted magazines at live ammunition. Nasamsam din ang isang government-issued na sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pagdadala ng mga armas.
Ayon sa ulat na nakarating kay PMGEN Robert AA Morico II, Direktor ng CIDG, ang mga suspek na sina “Rico” at “Rudy,” parehong nasa wastong gulang at residente ng Barangay La Union, San Isidro, Davao Oriental, ay nahuli habang umano’y nagbebenta at naghahatid ng apat na armas na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱280,000. Lahat ng ito ay walang permit, lisensya, o awtoridad para pagmamay-ari o ipagbili. Sinasabing kasangkot ang dalawa sa gunrunning sa Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao del Norte.
Pinuri ng pamunuan ng CIDG sina PLTCOL Ariel T. Huesca, Acting Chief ng CIDG Regional Field Unit 11, at ang CIDG Davao del Norte Provincial Field Unit, sa pangunguna ni PLTCOL Rogelio B. Pineda Jr., para sa matagumpay na pag-aresto at pagsamsam ng apat na armas sa isang operasyon. Ayon sa CIDG, pinatutunayan nito ang kanilang dedikasyon sa pagpigil sa krimen sa pamamagitan ng pagtanggal sa sirkulasyon ng mga armas na ginagamit sa karahasan.
Tiniyak ng CIDG sa publiko ang kanilang determinasyon sa pagsasama, pagsamsam, at paghabol sa lahat ng unlicensed firearms at gunrunners sa bansa. Ang CIDG ay matatag. Ang CIDG ay walang takot.

















