Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa Top 10 Most Wanted (Regional Level) na suspek sa kasong Murder (Criminal Case No. 0699-2020) noong Abril 27, 2025 sa Barangay Mapantao, Bayang, Lanao del Sur.

Pinangunahan ng tracker team ng CIDG Lanao del Sur PFU ang operasyon, katuwang ang PSOG/PDEU LDSPPO, 1403rd at 1402nd RMFC RMFB14-A, at RIU15. Sa gitna ng operasyon, nakasagupa nila ang tinatayang labinlimang (15) armadong kalalakihan na may mga matataas na kalibre ng baril. Nagkaroon ng bakbakan kung saan isang kasapi ng operating team ang nasugatan.

Matapos ang ceasefire at clearing operation, matagumpay na naaresto ang target na suspek, kasama ang isa pa niyang kasamahan na nasugatan at agad dinala sa pinakamalapit na ospital para sa lunas.

Nakumpiska mula sa suspek ang mga sumusunod:

Isang (1) Caliber 7.62 M14 rifle na may Serial Number 1539689;

Isang (1) bakal na magasin para sa M14 rifle;

Pitong (7) bala ng Caliber 7.62.

Dinala ang naarestong suspek sa CIDG Lanao del Sur PFU para sa kaukulang dokumentasyon bago ibalik ang Warrant of Arrest sa korte.

Ayon sa pamunuan ng PNP sa ilalim ng liderato ni PGEN Rommel Francisco D. Marbil, bahagi ito ng pinaigting na kampanya para tugisin at arestuhin ang mga pinaghahanap na kriminal sa buong bansa. Binigyang-pugay ni PBGEN Romeo J. Macapaz, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), ang matagumpay na operasyon at pinasalamatan ang dedikasyon ng mga pulis sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.