Pinag-aaralan na ng Cotabato City LGU ang pagdaragdag ng bagong himlayan o sementeryo na para sa lahat, mapa muslim o kristiyano. Ito ay upang mabigyang pagpapahalaga ang mga namayapa at upang mabigyan ng disenteng himlayan ang mamamayan ng siyudad.
Sa inilabas na pahayag ng opisina ni Mayor Bruce Matabalao, pinagaaralan na ng pamahalaang lungsod ang proposed Christian and Muslim Public Cemetery na karagdagan sa mga existing o mayroon nang libingang pampubliko ang siyudad. Base sa binuong survey team at sa isinagawang inspeksyon at pagbisita, posibleng pagtayuan ng nasabing proyekto ang Barangay Tamontaka 3 dahil sa mayroon itong malawak na lupain na potensyal para maitayo ang proyekto.
Hindi na masyadong idinetalye sa facebook post ng City Government ang nasabing sukat at lawak at maging pagpopondo ng nasabing proyekto ngunit nagbigay diin ito sa posibleng epekto ng karagdagang himlayan sa lungsod. Nag ugat ang nasabing proposed project sa kasalukuyang estado ng mga sementeryo sa lungsof kagaya ng siksikan tuwing araw ng undas, ang patong patong na mga nitso maging ang problema ng kawalan ng pampublikong sementeryo na laan sa mga mananampalatayang Islam o Muslim.
Matatandaan na programa ng administrasyon ni Matabalao ang pagpapaunlad ng estado ng pamumuhay kabilang na rito ang maayos na himlayan na makakapagbigay ginhawa at makapagaalis ng suliranin sa bawat pamilya sa lungsod na namamatayan, mapa Kristiano man o Islam.