Tiniyak ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim na di aabandonahin ng BARMM Government ang lalawigan ng Sulu kahit na nagdeklara na ang kataas-taasang hukuman na hiwalay na ito sa BARMM.
Ayon kay Ebrahim, hindi na aniya magiging katulad ng dati ang rehiyon kung wala ang Sulu maging mga mamamayan nito. Dagdag pa ng punong ministro, may malalim aniya na kasaysayan at kultura na may kaugnayan sa pagkakakilanlan at pakikibaka ng Bangsamoro ang probinsya kung kaya’t hindi dapat ito abandonahin.
Samantala, nakatutok ngayon ang BARMM Government sa pagpapanatili ng pagkakaisa at kapayapaan sa rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni CM Ebrahim. Ayon dito, mananatiling nakatutok ang BARMM sa pagiging inklusibo at binibigyang halaga ang pagkakaisa ng mga Bangsamoro sa kasaysayan at kultura.
Aniya ang mga ito ay mahalaga sa pagtataguyod at pagpapanatili ng kaayusan, kaunlaran at kapayapaan sa rehiyon. Positibo din si Ebrahim na ang pagkakaisa na siyang nagbubuklod sa mga Bangsamoro sa pamamagitan ng pakikibaka, kasaysayan maging ang adhikain ay kalaunan ay mananaig.