Naninibago pa rin si BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa kanyang bagong posisyon bilang pinuno ng Bangsamoro Government.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, inamin ni Macacua na bagamat bago sa kanya ang ilang aspeto ng pamamalakad ng rehiyon, hindi na siya nangangapa sa trabaho dahil minsan na rin siyang nagsilbing Senior Minister — ang itinuturing na pangalawa sa Chief Minister ng BARMM.

Ayon sa kanya, maayos ang takbo ng mga aktibidad sa rehiyon at “smoothly running” ang araw-araw na operasyon ng pamahalaan.

Ipinahayag din ni Macacua na walang problema sa koordinasyon sa pagitan ng ehekutibo at ng parliamentaryo.

Aniya, may maayos na komunikasyon at pagtutulungan sa dalawang sangay ng pamahalaan.

Dahil dito, naniniwala ang Interim Chief Minister na ang nalalabing panahon ng BARMM bago ang halalan sa Oktubre ay mas maituturing nang isang normal na pamamahala, at hindi na bahagi ng transitional phase.