Nagpahayag si BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ng pagkadismaya sa umano’y pag-uugali ni Atty. Lanang Ali Jr. na ilang beses na niyang inireklamo sa MILF Chairman.
Ayon kay Macacua, malayo umano ang asal ng naturang abogado kumpara sa kanyang ama na si Atty. Lanang Sr. at kay Engr. Muhajirin Ali na parehong inilarawan niyang may mabuting pag-uugali at disiplina.
Binigyang-diin ng Chief Minister na kung mananaig umano ang ganitong asal sa loob ng UBJP ay maaaring magdulot ito ng pagbagsak ng partido.
Iginiit naman ni Macacua na nananatili siyang kaalyado ng UBJP, ngunit inilarawan niya si Atty. Lanang bilang higit pa umano sa pagiging “munafiq” o mapagkunwari.
Iminungkahi rin ng opisyal na sumangguni si Atty. Lanang sa isang Mufti upang maliwanagan sa kahulugan ng pagiging “munafiq.”
Inihayag pa ni Macacua na dati na niyang tinalakay ang isyu sa MILF Chairman kasama sina Brother IQ at Mayor Yasser kung saan iminungkahi umanong pagsabihan ang naturang abogado.
Samantala, sinabi rin ng Chief Minister na may ilang ulama ang nagpahayag ng pangamba sa usapin ng mga partidong politikal sa rehiyon.
Gayunman, tiniyak umano ng MILF Chairman na walang magiging problema hangga’t ang mga partidong ito ay pinangungunahan ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front.
Ipinaliwanag ni Macacua na mahalaga ang malinaw na pag-unawa sa parliamentary form of government at coalition government sa BARMM.Binigyang halimbawa niya ang sistema sa Malaysia kung saan pinamumunuan ng koalisyon ang gobyerno at hindi lamang iisang partido.
Dagdag pa niya, sa BARMM ay kinakailangan umano ang koalisyon dahil walang iisang partido ang inaasahang makakakuha ng mayorya.
Samantala, sinubukan ding kunin ng 93.7 Star FM Cotabato ang panig ni MP Atty. Lanang Ali Jr. ngunit hindi pa ito nagbibigay ng pahayag hinggil sa isyu.

















