Sa loob lamang ng limang buwan sa puwesto, inilatag ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang mga pangunahing tagumpay at prayoridad ng kanyang administrasyon sa ilalim ng Chief Minister’s Hour, sa isang espesyal na sesyon ng Bangsamoro Transition Authority nitong Agosto a-siyete.

Sa kaniyang talumpati sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, tiniyak ni Macacua na tinatahak ng pamahalaang Bangsamoro ang direksyon tungo sa reporma, epektibong serbisyo, at inklusibong pag-unlad.

Ayon kay Macacua, sentro ng kanyang pamumuno ang 12-point priority agenda, na tumutugon sa mga isyung ugat ng kahirapan, kawalan ng serbisyo, at kawalang-katarungan.

Naitala ang mahigit ₱4.1 bilyong pamumuhunan, na lumikha ng halos dalawang libong trabaho. Tumaas din ang minimum wage ng ₱50 sa rehiyon, habang libu-libong OFWs at kababayang nangangailangan ang nabigyan ng tulong, kabuhayan, at repatriation support.

Sa sektor ng agrikultura, inilunsad ang proyektong nagkakahalaga ng ₱22.3 bilyon para sa fisheries development sa BaSulTa areas, katuwang ang Asian Development Bank. Patuloy din ang pamamahagi ng makinarya, binhi, at baka sa mga magsasaka.

Nasa 204 na imprastruktura projects ang kasalukuyang isinakatuparan, kabilang ang mga kalsada, tulay, pantalan, at pabahay—lalo na para sa mga Badjao at nawalan ng tirahan dahil sa sigalot.

Pinalakas din ang serbisyong panlipunan. Umabot sa ₱76.9 milyon ang naipamahaging medical assistance sa ilalim ng AMBaG Program para sa higit labingwalong libong pasyente, habang 229,000 pamilya ang nakatanggap ng ayuda sa edukasyon, kabuhayan, at iba pa.

Sa usapin ng edukasyon, pinondohan ang mga scholarship sa ilalim ng BASE at PASE programs, habang mahigit 100,000 out-of-school youth ang naipasok sa alternatibong edukasyon. Umabot sa ₱80 milyon ang inilaan para rito.

Hindi rin nakalimutan ang mga biktima ng karahasan at kalamidad—kabilang ang mga nawalan ng bahay sa Marawi, mga dating combatants, at mga pamilyang apektado ng rido. Patuloy din ang implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, bilang bahagi ng kapayapaan at rehabilitasyon.

Sa pagtatapos ng kanyang ulat, hinikayat ni Macacua ang BTA Parliament na pabilisin ang pagpasa ng natitirang priority codes, na aniya ay mahalaga para maisabatas ang mga pundasyon ng mabuting pamamahala.

Sa kabuuan, binigyang-diin ni Chief Minister Macacua na ang kanyang panunungkulan ay hindi nakatuon sa kapangyarihan, kundi sa tunay na paglilingkod sa mamamayang Bangsamoro.