Nagsimula na ang special audit sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa Bangsamoro region matapos ang mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo. Ayon sa ulat, nag-deploy ng pulis at sundalo sa loob at labas ng opisina ng MBHTE upang bigyang daan ang audit team.
Nauna ng sinabi ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal na bukas siya sa anumang imbestigasyon upang patunayan ang integridad ng kanyang ahensya at linisin ang kanyang pangalan.
Nagulat ang ilang empleyado sa biglaang presensya ng mga otoridad at nag-post pa ng mga larawan sa social media, na agad namang ginamit ng lokal na midya.
Dalawang linggo na ang nakalipas nang kumpirmahin ng Office of the Chief Minister (OCM) na nakatanggap sila ng liham mula sa Commission on Audit (COA) hinggil sa pagbuo ng special audit team. Tututukan ng audit ang umano’y kwestyonableng paggastos na aabot sa halos P2 bilyon.
Isa sa mga isyu ang diumano’y P1.77 bilyon na inilabas sa loob lamang ng isang araw noong Marso 2025 para sa learner at teacher kits. Mayroon ding alegasyon ng P449 milyong bayad sa iisang supplier sa ilalim ng kaduda-dudang kondisyon.
Inaprubahan ni Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang kahilingan ng COA para suportahan ang audit.
Ayon sa ilang source, bahagi umano ng mas malawak na pattern ng pagsisiyasat sa pondo ng iba’t ibang ministeryo sa BARMM ang pagbusisi sa MBHTE. Nauna nang napagtuunan ng pansin ang mga alegasyon ng iregularidad sa Local Government Support Fund at sa Ministry of Interior and Local Government (MILG). Ngayon, MBHTE naman ang nasa ilalim ng masusing pagtingin.