Nakapagtala ang Commission on Audit (COA) ng mga reklamong isinampa laban kay Minister Mohagher Iqbal ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kaugnay ng umano’y iregular na paglalabas ng pondo.

Batay sa sulat ng COA na ipinadala kay Chief Minister Abdulraof A. Macacua, kabilang sa mga isyung tinukoy ang mahigit ₱1.7 bilyong halaga ng bayad na inilabas sa loob lamang ng isang araw, na umano’y hindi dumaan sa karaniwang proseso ng pagsusuri ng Finance Division at naipamahagi bilang tseke sa ilang indibidwal kabilang ang cashier.

Bukod dito, binanggit din ang halos ₱449 milyon na inilabas umano para sa isang supplier sa ilalim ng kahina-hinalang kalagayan.

Ayon sa COA, matapos ang paunang pagsusuri ng kanilang mga tanggapan, nakita nilang may sapat na basehan upang magsagawa ng isang special audit. Nabatid na kasalukuyan nang bumubuo ng audit team ang COA para siyasatin ang mga naturang transaksyon at humihiling sila ng tulong mula sa tanggapan ng Chief Minister para sa buong proseso ng imbestigasyon.