Malinaw na babala sa mga matitigas ang ulo at pasaway na motorista ang isinagawang pagdurog ng City Government sa mga nahuling colorum na motorsiklo at modified o “bora-bora” na tambutso nitong Oktubre 31 sa harap mismo ng City Hall.

Photos by City Government of Kidapawan City

Sa naturang aktibidad, ginamitan ng pison ang mga kumpiskadong motorsiklo at tambutso bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa mga iligal na aktibidad at mga bisyong nakaaapekto sa katahimikan ng komunidad.

Ayon sa mga opisyal ng lungsod, ang mga sinirang motorsiklo ay nasangkot sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko, kabilang na ang pagmamaneho ng walang kaukulang dokumento at paggamit ng modified mufflers na nagdudulot ng labis na ingay.

Photos by City Government of Kidapawan City

Dagdag pa ng pamahalaang lungsod, hindi ito ang huling operasyon na isasagawa, at patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga kolorum na sasakyan at mga tambutsong nakakaistorbo sa publiko.

“Nawa’y magsilbi itong paalala sa lahat na seryoso ang ating lungsod sa pagpapatupad ng batas at sa pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan,” ayon sa pahayag ng City Government.