Nagpahayag ng paghingi ng paumanhin si Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia kay BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua matapos ang kanilang naging pagpupulong kaugnay sa usapin ng pitong dagdag na puwesto sa Bangsamoro Parliament.
Kinumpirma ni Garcia na nagpulong sila ni Macacua upang talakayin ang panawagan ng BARMM leadership na gawing 80 ang kabuuang ihahalal na mga miyembro ng parlamento. Subalit nanindigan ang COMELEC na mananatili itong 73 dahil sa kakulangan ng oras.
“Humihingi ako ng despensa, sabi ko pasensya na, we have to proceed talaga sa 73… Sumulat na rin ako sa kaniya at denetalye namin ang timeline ng commission na kung susundin namin ang 80 base sa BAA 77, aabutin po kami ng October 20 hanggang 25 — tapos na po ang halalan kung ganoon,” ani Garcia sa panayam ng Rombo Radyo.
Sa huli, nagkasundo ang magkabilang panig na hintayin na lamang ang magiging desisyon ng Korte Suprema, lalo’t parehong may nakabinbing kaso kaugnay sa nasabing usapin sa Parlyamento at sa COMELEC.