Sabay ng pagbanta laban sa nagpapakalat ng ‘No BARMM’ elections sa October 13, ay nilinaw ni Commission on Elections chairman George Garcia na walang inihayag ang komisyon na postponed na, o ire-reset, ang makasaysayang halalan sa Bangsamoro region.
Sinabi ni Garcia na ang inihinto lamang ng Comelec ay ang kanilang paghahanda para sa actual na halalan, pero tuloy naman ang preparasyon para sa ibang bahagi ng electoral exercise ‘tulad ng pagbabawal sa paglipat ng mga kawani ng gobyerno at mga check points para sa implementasyon ng gun ban.
Ang Comelec o sinomang opisyal nito ay wala umanong kapangyarihang magpahinto o magpaliban sa nasabing BARMM parliamentary polls.
Mariing sinabi bg ng Comelec chairman na kailangang irespeto ng komisyon ang inilabas ng Supreme Court na Temporary Restraining Order sa Bangsamoro Autonomous Act 77 na nagsasaad ng buong 80 upuan ng BARMM parliament.
“Pero hindi nangangahulugan na invalid on unconstitutional ang nasabing BAA 77, kundi sinuspendi lang ito bilang bahagi ng judicial process dahil sa reklamong isinampa laban sa nasabing Autonomous Act,” pahayag ni Garcia.
Ayon kay Garcia ang orihinal na batas na gumagabay sa halalan sa Oktubre 13 ay ang BAA 58 kung saan 73 lamang na upuan ang nakatakdang paglalabanan ng mga aspirants para sa BARMM parliament.
“Pero nang ipasa ng BTA ang BAA No. 77 na siyang bumuo ng 80 parliamentary seats na paglalabanan sa October 13 elections ay pinawalang bisa na nito ang BAA No. 58,” paliwanag ng hepe ng Comelec.
Pero mariin nitong sinabi na ang katiyakang mangyayari ang nakatakdang BARMM polls sa October 13 ay magmumula sa Mataas na Hukuman, kung ili-lift nito o aalisin ang TRO para manaig ang BAA No. 77 bilang batayan ng halalan, o kaya ideklara ng Supreme Court na unconstitutional or void ito at sabihing maybisa ang BAA No. 58 na nagsasaad na 73 upuan lamang ang paglalabanan para sa BARMM parliament.
Kanyang ipinaliwanag na sa oras na magbigay linaw ang Korte Suprema kung anong batas ang pwedeng gawin basehan sa gagawing BARMM elections sa October 13 ay agad na tatalima ang Comelec para sa nasabing parliamentary polls.
Sa kanyang interbyu kaninang umaga, Septyembre 19, ay nanawagan din si Garcia laban sa mga mapanirang ‘fake news’ na naglalayong lituhin ang mamamayan, lalo na ng mga taga-Bangsamoro region tungkol sa inaasahang October 13 elections.