Naglabas na ang Komisyon sa Halalan o COMELEC ng kopya ng resulusyon o Resolution Number 1116 na nagaatas na ilagay sa tinatawag na COMELEC control ang bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Ito ay kasunod ng mga sunod sunod na ERVI’s o Election Related Violences sa lugar na ang huling biniktima ay ang mismong Election Officer ng bayan na si Atty. Maceda Abo at ang mister nito noong buwan ng Marso.

Sumulat na ang Secretary to the Commission sa mga kinauukulan sa komisyon upang maipakalat ang kopya o sipi ng nasabing resolusyon, na naaprubahan noon pang Abril 4.

Dahil dito, napagpasyahan ng mga komisyoner ng COMELEC na unanimous o lahat ay sumasang-ayon sa naturang panukala ng mismong hepe nito na si Chairman George Garcia na ilagay na sa kanilang kontrol ang nasabing bayan.

Ito ay upang di na madagdagan pa ang mga nagaganap na ERVI’s sa nasabing bayan maging ang pagkalat nito sa iba pang lugar.

Una nang pumabor ang DOS-LGU sa nasabing panukala ng COMELEC at kanila itong tinatanggap upang mapaigting ang seguridad at kaayusan sa bayan sa darating na halalan.