Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) ang pansamantalang pagsuspinde sa nakatakdang paghahain ng Certificates of Candidacy o COC para sa 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.

Ayon sa COMELEC, ang desisyon ay alinsunod sa Resolution No. 11183 na ipinahayag nitong Disyembre 22, 2025, kung saan ipinagpaliban ang COC filing period na orihinal na itinakda mula Enero 5 hanggang 9, 2026.

Nilinaw ng poll body na ang hakbang ay bunsod ng hindi pa naipapasa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang kinakailangang batas ukol sa parliamentary districting, na magsisilbing batayan sa paghahati ng mga distrito para sa halalan.

Binanggit din ng COMELEC ang naging desisyon ng Korte Suprema sa mga kasong Ali et al. vs. BTA Parliament at Macapaar et al. vs. COMELEC and BTA, kung saan inatasan ang BTA na tukuyin ang mga parliamentary district hanggang Oktubre 30, 2025. Gayunman, sa kasalukuyan ay wala pa ring naipapatupad na naturang batas.

Dahil dito, napagpasiyahan ng COMELEC en banc na suspendihin muna ang paghahain ng COC upang matiyak na ang proseso ng halalan ay magiging naaayon sa pinal at opisyal na parliamentary districts.

Ayon pa sa komisyon, magtatakda lamang ng panibagong COC filing period sa sandaling maisabatas ng BTA ang kinakailangang parliamentary redistricting.