Nagsasagawa na ang COMELEC ng puspusang paghahanda upang magpadala ng mga personahe ng Pambansang Pulisya o PNP bilang mga pandagdag o backup Electoral Board Members para sa 2025 National, Local and First Bangsamoro Parliamentary Elections sa rehiyong Bangsamoro.

Ito ang naging sagot ni COMELEC Chairman George Erwin Mojica Garcia ng matanong ng mga kawani ng midya sa isinagawang Mock Elections ng komisyon sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Chairman Garcia, kukunin ang mga ito sa mga lalawigang hindi bahagi o sakop ng BARMM.

Sa susunod na linggo, sasanayin na ang mga nasabing pulis at itatalaga ito sa mga probinsya ng rehiyon partikular na sa Maguindanao, Basilan at iba pa.

Ang naging paghahanda ng komisyon ay isang plano kung sakaling may umatras o nahintatakutang guro na tumupad sa kanilang tungkulin at upang hindi na maulit ang nangyari noong 2023 Barangay and SK Elections, partikular na sa lungsod ng Cotabato.

Tiniyak naman ng hepe ng Poll Body na handa ang kapulisan kung sakaling may natatanggap na mga banta at risgong pangseguridad ang mga guro pagdating at sa mismong araw ng halalan at sa mga nagbabalak ding harangin ang mga ito upang di na makatupad sa kanilang trabaho sa mga presinto o election precincts.

Nitong nakaraang linggo lamang ay bumisita si Chairman Garcia upang maging observer sa isinagawang Mock Election sa Jolo at Patikul, parehas na sa lalawigan ng Sulu.