Hanggang ngayon ay nananatiling palaisipan para kay Maguindanao del Norte Provincial Election Supervisor Atty. Nabel Mutia ang tunay na motibo sa brutal na pag-ambush sa election officer ng Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte na si Maceda Lidasan Abo at sa kanyang asawa na si Jojo Abo..

Ayon kay Mutia, nagdadalamhati ang Commission on Elections (COMELEC) sa malagim na sinapit ng kanilang kasamahan. Nakakadurog ng puso aniya na isang babaeng nagsasagawa lamang ng kanyang tungkulin ang walang awang pinaslang.

Kung trabaho ang dahilan ng walang habas na pamamaslang, sinabi ni Mutia na wala naman silang natanggap na reklamo laban sa election officer. Wala rin umanong anumang ulat na may ilegal na aktibidad na kinasasangkutan si Abo, kaya’t nananatili itong isang malaking palaisipan.

Matatandaan na noong Miyerkules, Marso 26, habang lulan ng kanilang Toyota Fortuner mula Cotabato City patungo sa opisina sa DOS, Maguindanao, tinambangan ang mag-asawang Abo ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Makir, DOS, Maguindanao. Dead on the spot si Jojo Abo, habang naisugod pa sa ospital si Maceda Lidasan Abo ngunit kalaunan ay binawian rin ng buhay.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen at ang posibleng motibo sa likod nito.